Ilang linggo pa lang makaraang mapaslang ang isang 16-anyos na lalaki sa rambol sa isang barangay sa Tondo, Maynila, nakunan na naman sa closed-circuit-television camera ang ilang kabataan na pumuporma at armado pa ng sumpak at itak.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ng Barangay 108 ang ilang kabataang lalaki na may hawak na sumpak, pen gun at itak noong Martes ng madaling araw.

Mayroon ding babae sa grupo na nagsisilbing lookout umano at nagtitimbre sa mga lalaki kung may paparating na awtoridad.

Pag-amin ni chairman Erick Simbiling, maging sila ay hindi basta-basta makalapit sa mga pasaway na kabataan dahil sa mga armado ang mga ito.

"Talagang nakakatakot. Kami nga po 'di kami basta-basta makalapit e dahil napakahirap. Talagang ipuputok at ipuputok nila 'yon lalo na 'yung sumpak. Ang bala nun, spread talaga," ayon sa punong barangay.

Nang makita umano ng mga tanod sa CCTV ang pagporma ng mga kabataan, pinuntahan nila ang mga ito pero hindi na nila inabutan.

Hindi raw kilala ng kapitan ang mga nakuhanan sa CCTV pero ginagawa raw rambulan ang kanilang lugar.

Nito lang Nobyembre 11, isang 16-anyos na lalaki ang tumumba sa kalsada sa gitna ng kaguluhan sa barangay matapos mabaril.

Dahil dito, lalo pa raw pinag-ibayo ng barangay ang pagtutok sa kanilang CCTV.  Naging madalas din umano ang pagpapatrolya ng mga pulis.

Nais ni Simbiling na maipatupad muli sa kanilang lugar ang curfew para mawala sa kalye ang mga kabataan pagsapit ng 10: 00 pm.

Gayunman, sinabi ni P/Supt. Jay Calimlim Dimaandal, ng MPD Station 1, na malakas ang loob ng mga kabataan dahil batid nilang hindi siya makukulong kapag nahuli, bagkos ay dadalhin lang sa social welfare department. -- FRJ, GMA News