Nauwi sa pamamaril ang away ng dalawang lalaki sa parking space sa kanilang lugar sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ni James Aagustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa CCTV footage ng barangay ang ilang residente na tila nag-uusyoso sa Lardizabal Street.
Maya-maya pa, nagtakbuhan na ang mga tao dahil sa mabilis na pag-atras ng isang kotse na bumangga sa isa pang nakaparatang sasakyan kaya napatigil.
Sa kabilang kuha ng CCTV, makikita ang driver ng umatras na kotse na mabilis na tumatakbong palayo.
Kinalaunan, napag-alaman na may tama pala ng mga bala ang umatras na sasakyan at mapalad na hindi tinamaan ang drayber nito.
Ayon sa nakaligtas ang drayber ng kotse, bago ang pamamaril ay nakaaway at nakasagutan niya ang isa sa mga suspek na si Louie Gubac matapos siyang pumarada sa harapan ng bahay ng tiyuhin nito.
Sinabi ng biktima na bukod kay Gubac ay mayroon pa itong tatlong kasama kaya kumuha siya ng 'bat' [pamalo] pero may dala umanong baril ang mga suspek at pinagbabaril siya kaya pinatakbo ang kotse kahit paatras.
"Kumuha ako bat pero inamba ko lang para mailang sila. Pagkabalik ko sa kotse lumabas na yung isa ppinagbabaril na ako hanggang umatras na lang ako dire-diretso doon kaya nabangga yung sasakyan," ayon sa biktima.
Napag-alaman din na nagharap na rin sa barangay hall ang dalawa noong nakaraang taon dahil din sa away sa parking space.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad si Gubac at sinisikap na makunan ng pahayag tungkol sa insidente.-- FRJ, GMA News
