Nasawi ang isang motorcycle rider matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa 10th Avenue, Caloocan City bandang alas diyes nitong Lunes ng gabi. 

Naisugod pa ng rescuers sa ospital ang 28-anyos na lalaking biktima pero idineklarang dead on arrival. 

Nagtamo siya ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang ilang beses pinaputukan ng mga salarin ang biktima paglampas ng riles. 

 

Nangyari ang insidente sa 10th Avenue, Caloocan City nitong Lunes ng gabi, Marso 24, 2026. JAMES AGUSTIN/GMA Integrated News

 

 

Ilang metro pa ang itinakbo ng biktima bago siya natumba sa kalsada. 

Hindi na muna nagpaunlak ng panayam ang Caloocan Police kaugnay sa insidente. 

Inaalam pa nila ang motibo sa pamamaril. 

Nagkasa na rin ang mga awtoridad ng manhunt operation para mahuli ang mga salarin. 

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima. 

Nakuha ng SOCO ang pitong basyo at tingga ng bala sa pinangyarihan ng krimen. —KG GMA Integrated News