Nagtapos na ang kampanya ni Alex Eala sa 2026 Miami Open matapos siyang talunin ng mas mataas na seeded na si Karolina Muchova, 6-0, 6-2, sa kanilang laban sa Round of 16 nitong Lunes ng gabi (oras sa Maynila).

Ang naturang torneo ang nagbigay ng malaking tagumpay kay Eala noong nakaraang taon, matapos niyang talunin ang ilang Top 10 players patungo sa semifinals.

Sa naging laban nila ni Eala, kaagad na nagpakita ng dominasyon mula sa simula, si Muchova, na kasalukuyang world No. 14 at ika-13 seed sa torneo. Maaga namang nakita ang pangangapa ng Pinay tennis star sa kaniyang laro at nakagawa ng anim na unforced errors sa loob lamang ng 22 minuto ng unang set.

Tila mainit pa sa kaniyang panalo kamakailan sa Qatar Open para sa kaniyang ikalawang singles title, kaagad na nakabuo ng 2-0 na kalamangan sa Set 2 si Muchova. Nagtangka namang makabawi si Eala sa ikatlong laro matapos makakuha ng advantage.

Gayunpaman, sunod-sunod na nakagawa ng error si Ela na muling nagbigay ng momentum kay Muchova, na agad kinontrol ang laro at tinapos ito sa pamamagitan ng malakas na forehand upang palawakin ang kaniyang lamang sa 3-0.

Dinomina pa rin ni Muchova si Eala sa sumunod na laro, ngunit nagwagi ang Pinay standout sa dalawa sa susunod na tatlong laro upang manatiling buhay ang kaniyang laban.

Subalit sa huli, ipinakita ni Muchova ang kaniyang sapat na karanasan at tuluyang maselyuhan ang panalo upang makausad sa quarterfinals.

Nakarating si Eala sa Round of 16 matapos talunin si Laura Siegemund sa Round of 64 at si Magda Linette sa Round of 32.-- Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News