Arestado sa Maynila ang isang babae na tumangay umano ng milyun-milyong pisong halaga mula sa mga pinagsanglaan nito ng mga pekeng titulo ng condo units. Pero giit ng suspek, biktima rin siya.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, ipinakita ang CCTV footage sa ginawang pagdakip sa suspek na si Catherine Cipriano,46-anyos, sa ikinasang entrapment operation sa isang restaurant sa Maynila.

Modus umano ng suspek na magsangla ng titulo at gamit na prenda ang condo unit at mangangakong tutubusin ito sa loob ng 20 araw at may tubong 10 porsiyento ang mahihiram na pera.

Pero natuklasan ng mga pinagsanglaan niya na peke ang mga titulo ng mga condo unit, at sarado na ang bank account sa mga inisyung tseke.

Dumating din sa presinto ang lehitimong may-ari ng ilan sa mga "condo unit" na isinangla ng suspek na walang kamalay-malay na isinasangla na pala ang kaniyang unit.

"Hindi ko po malaman kung bakit po napunta kay Catherine yung aking title. 'Yun pong title ko ay pinapa- transfer ko lang po sa akin," sabi ng unit owner na itinago sa pangalang Liza."

Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniyang at iginiit na biktima rin siya at dapat daw alamin muna ng mga nagrereklamo ang pinagmulan ng lahat. -- FRJ, GMA News