Isang hinihinalang biktima ng robbery-holdup ang natagpuang patay sa Zamboanga City, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Marvin Piñero, isang "habal-habal" driver na natagpuang may sugat sa dibdib at hiwa sa bibig at pinaniniwalaang tinaga para mapatay.

Ayon sa mga awtoridad, nawawala ang pera at cellphone ng biktima.

Sa Bacolod City naman, patay sa pamamaril ang isang lalaking bibili lang ng pizza sa isang commercial complex.

Kinilala ang biktima na si Jeffrey Abendan, 41, na tinamaan ng bala sa ulo na agad niyang ikinamatay.

Ayon sa mga saksi, dalawang salaring nakamotor daw ang sumunod sa biktima na naghanap pa ng tiyempo bago siya barilin.

Love triangle ang isa sa mga tinitignan ng mga awtoridad na motibo sa pagpatay.

Mayroon na raw silang persons of interest kaugnay sa krimen, pero tumanggi munang magbigay ng pangalan.

Samantala sa San Isidro Abra, patay din ang isang 52-anyos na lalaki malapit sa isang simbahan na pinagsasaksak at ginilitan umano.

Kinilala ang biktima na si Mauricio Tolentino Sr, at arestado ang mga suspek na sina Joebert Valera at Dennis Juan.

Nanggaling daw sa inuman ang mga suspek at biktma at pupunta sa isang lamay nang mangyari ang krimen, base sa imbestigasyon.

Umamin sa pagpatay ang mga suspek pero hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang motibo. —Jamil Santos/KBK, GMA News