Natunton na ng Philippine National Police ang lalaki sa kumalat na larawan sa social media na nakasuot ng uniporme ng pulis at nanindak umano ng isang buntis na motorista sa Taguig City.
Kinilala ang Taguig-PNP ang lalaki na si Joseph Philip Lu Bautista, 36, single, Filipino-Chinese, business consultant at nakatira sa Taguig City.
Sasampahan ng reklamo ng PNP si Bautista dahil sa pagsusuot nito ng Philippine National Police athletic shirt at cap.
Inamin ni Bautista na siya ang lalaki sa larawan na nakunan habang nakikipagtalo sa daan na nangyari noong Dec 27, 6 p.m. sa Bonifacio Global City.
Itinanggi niya ang alegasyon ng babaeng motorista pero idinahilan niya na nagsusuot ng athletic shirt ng PNP dahil sa "komportable" umano ito.
Makikipag-ugnayan ang pulisya sa ginang na nakairingan ni Bautista sa kalsada para sa pagsasampa ng reklamo.
Samantala, paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code (Republic Act 3815) ang isasampa ng PNP laban kay Bautista dahil sa iligal na paggamit sa uniporme ng kapulisan.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng ginang na walong buwang buntis na itinago sa pangalang "Tina," na nagulat at natakot siya nang bigla siyang komprontahin ng lalaking puro tattoo, nakauniporme ng pulis, at nagmamaneho ng SUV.
"He was displaying power, obviously, I don't think it is appropriate for him to say that he will bring us to the precinct. He should explain the things that were displayed on his car," sabi ni Tina.
May sticker din ng PNP ang sasakyan ng lalaki na nakaalitan ng buntis at nakita ang plaka nito kaya nagkaroon kaagad ng paraan ang pulisya para makilala ang sakay nito.— FRJ, GMA News
