Kinalampag ang bintana at sumabit pa sa kotse ang isang batang namamalimos matapos na hindi mabigyan ng pera ng driver sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Athena Imperial sa 24 Oras nitong Sabado, nakunan ni YouScooper Vincent Collado ang pagkalampag ng bata sa bintana ng isang kotse sa Muntinlupa City na tila nang-aasar pa sa driver.

Sumabit pa ang bata nang umandar ang sasakyan. Agad namang tumigil ang driver ng kotse at matapos ang ilang saglit, tumakbo na paalis ang bata.

Sinabi ng Muntinlupa Traffic Management Bureau na marami pa raw mga kasamahan ang menor de edad na namamalimos sa kalsada.

"Hinahabol namin ito, tinurn over sa DSWD. 'Pag nasa DSWD binabawi ng mga magulang ma'am, parang ang ginagawa, pinaghahanap-buhay ng mga magulang. 'Yung iba naka-solvent, rugby," ani Victor Moldez, Muntinlupa Traffic Management Bureau Traffic Aide.

"Minsan aakyat sila sa jeep sabay mamimigay ng sobre," sabi pa ng isang taga-MMDA.

Ayon sa mga awtoridad, hindi namimili ng oras ang mga bata sa pamamalimos. Ang iba pang bata, ginagasgasan pa kung minsan ang sasakyan gamit ang pako kapag hindi nabigyan ng limos.

"May tumawag na may mga bata na nangangatok. Pupuntahan naman namin. Pagdating du'n sa site tatakbuhan kami, medyo hirap na kaming pumunta sa eskinita, madidilim," sabi ni Amy Balayboa, anti-violence against women and children desk officer ng Barangay Putatan.

Sakaling may mahuling mga bata, pinapangaralan sila ng mga taga-barangay sa pakikipagtulungan ng mga social worker.

Dahil mga menor de edad pa, pinauuwi sila kapag sinundo ng mga magulang.

"Ganu'n pa rin 'pag sinundo ng magulang, paulit-ulit na lang," sabi pa ni Balayboa.

May katulad na insidente na nangyari sa Cebu City, kung saan tinadyakan naman ng batang lalaki ang isang sasakyan nang hindi siya nabigyan ng limos ng motorista.

Ayon sa Anti-Mendicancy Law, bawal ang panlilimos sa lansangan lalo na ang mga bata para maiwas sila sa peligro. —Jamil Santos/ALG, GMA News