Arestado ang isang wanted person nang sumubok kumuha ng police clearance sa Quezon City Hall complex noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Joel Nazareno, 30, tubong-Davao at residente ng Barangay Payatas.

Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, sumubok si Nazareno na kumuha ng police clearance sa QCPD Police Clearance Section sa Quezon City Hall compound bandang 3:45 ng hapon.

Nang ipasok ang pangalan ni Nazareno, lumabas ang pangalan niya sa e-subpoena data system.

Mayroon palang warrant of arrest ang suspek dahil sa kasong attempted homicide.

Inilabas ni Judge Ma. Ludmila de Pio Lim ng Metro Mtrial Court Branch 34 ng Quezon City ang arrest warrant laban sa suspek at pinatawan siya ng P12,000 na bail.

Agad inaresto si Nazareno ng mga pulis na nakatalaga sa clearance section.

Samantala, sinabi ni Eleazar na si Nazareno ang pang-49 na suspek na naaresto sa pamamagitan ng e-subpoena data system.

Ang huling naaresto ng QCPD ay si Joseph Rodrigo noong nakalipas na Miyerkoles lamang. May kasong reckless imprudence resulting in physical injuries si Rodrigo. —ALG, GMA News