Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga reklamong pandarambong at katiwalian laban kay dating Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at ilan pang opisyal kaugnay ng umano'y "road right-of-way scam" sa General Santos City.

Isinampa ng NBI ang reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa 34 na personalidad nitong Miyerkoles.

Ang reklamo ay base sa ibinunyag ni Roberto Catapang, na nakasaad sa sulat na ibinigay niya sa tanggapan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II noong nakaraang taon.

Batay sa mga isiniwalat ni Catapang, tinukoy ni Aguirre sina Singson at dating Budget secretary Florencio Abad, at ilan pang opisyal mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno, na nasa likod ng pagbabayad ng right of way sa mga pangalang ginamit sa mga pekeng titulo para makasingil.

Pero “non-existent person” umano ang mga pangalang ginamit sa mga pekeng dokumento.

"Talagang may sindikato dito," sabi ni Cesar Bacani, regional director ng NBI-National Capital Region.

Hindi kasama si Abad sa mga kinasuhan, pero sinabi ni Bacani na maaaring isama nila ang dating budget chief sa susunod na grupong kakasuhan nila.

Sabi ni Aguirre, nakasingil ng kompensasyon sa RROW ang mga nasa likod ng modus mula sa mga lupain na naapektuhan ng mga ginawang national highway construction sa General Santos City.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ni Singson sa isinampang reklamo laban sa kaniya.

Pero sa pagharap niya sa pagdinig ng Senado noong nakaraang taon, itinanggi ni Singsong ang mga paratang laban sa kaniya.

“I did not profit nor gained anything from any of these land claims as accused by Secretary (Vitaliano) Aguirre. There is no P8.7 billion paid in General Santos. I was not a corrupt secretary and definitely not a plunderer,” sabi ni Singson sa Senate public works committee sa naturang pagdinig.

Sa hiwalay na pagdinig na ginawa ng Kamara de Representantes, sinabi Atty. Jahara Macadato ng DPHW, na P2.8 bilyon lang ang nailabas ng kanilang tanggapan sa Reigon 12 para sa road right way payment sa General Santos City, at hindi gaya ng sinasabing P8.7 bilyon. — FRJ, GMA News