Isang ginang ang nawalan ng dalawang mamahaling cellphone matapos patuluyin sa kanilang bahay sa Caloocan City ang dalawang hinihinalang "budol-budol" na nagpanggap na mga kaklase ng kaniyang anak. Ang mga kawatan, nakikain pa ng tikoy bago umalis dala ang nakulimbat mula sa biktima.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nakunan ng surveillance camera sa loob ng bahay ang mga suspek na kampanteng-kampante habang kausap ang biktima.
Nakasalubong daw ng ginang ang dalawa sa labas ng kanilang bahay noong Biyernes ng umaga at nagpakilalang kaklase ng anak ng biktima.
"Sabi nila, 'Kasi po ikakasal kami nitong kasama ko sa April 8 so nagpupunta kami sa mga kakalase namin, magbibigay ng invitation. Hali ka tita uwi muna tayo sa inyo,' sabing ganu'n," kuwento ng ginang.
Sa halip na wedding invitation, "lucky envelop" na may laman umanong $100 ang iniabot ng mga kawatan sa biktima habang nasa loob sila ng bahay.
"Sabi may pera 'yon huwag ko munang buksan. Baka 'yung nakatago mong perang medyo malaki-laki,' sabing ganon, 'para mas malaking suwerte.' Tapos sabi niya dapat may kasamang alahas. Ewan ko 'di ko alam kung fake 'yung nabigay ko. Binalot nila, kinuha 'yung ano tapos sabi 'ilagay sa unan mo, bukas makita mo 'yan, du'n mo kunin, lalago 'yan,'" kuwento pa ng ginang.
Ayon pa sa ginang, agad nakuha ng mga suspek ang kaniyang loob at dahil paniwalang mga kaibigan nga ng kaniyang anak, pinaghandaan pa raw niya ng meriendang tikoy ang mga ito.
Habang naghahanda ang ginang, nag-iikot na sa bahay ang mga kawatan at tila sinisilip ang mga gamit na puwede nilang tangayin.
Makikita sa CCTV na kinalikot ng lalaki ang bag ng ginang at kinuha ang dalawang mamahaling cell phone.
Pero hindi pa muna umalis ang mga suspek dahil kinain muna nila ang inihandang tikoy ng biktima.
Pagkatapos kumain, nagpaalam pa ang mga ito sa biktima at sinabing babalik na may dalang bag at tsokolate.
Huli na nang malaman ng biktima na wala na ang kaniyang dalawang celphone, at wala ring laman ang lucky envelope na iniabot sa kaniya.
"Wala namang laman 'yung envelope samantalang may nakabalot na tissue. Tingin ko na-hypnotize ako eh," sabi ng biktima.
Sabi ng isang opisyal ng Caloocan police, nabiktima budol-budol ang ginang.
"There's no such thing as hypnotism or you will be hypnotized by these people. It's a matter of getting your trust and confidence and then for that matter, they will take advantage of that," sabi ni Police Superintendent Ferdinand del Rosario ng Caloocan City Police Station.
Payo ni del Rosario, huwag agad magtiwala sa mga taong hindi lubos na kakilala.
Inaasahang matutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek sa tulong CCTV. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
