Arestado ang isang babae na dating station supervisor ng isang gasolinahan dahil sa pagnanakaw umano ng nasa P57 milyong kita ng kompanya.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dinakip ng Manila Police District ang akusado sa tapat ng isang condominium sa Parañaque.
Isa siyang dating station supervisor ng gasolinahan sa Taft Avenue sa Maynila.
Batay sa agency na humawak sa babae, Marso 2024 nang ipinasok nila ito sa isang gasolinahan.
Hanggang sa Marso 2025 nang mapuna ng pamunuan ng agency ang mga discrepancy sa mga ipinapasang datos ng babae sa kanilang opisina.
“"Meron po kaming roving na auditor galing po mismo sa company namin na na-discover po 'yung ginagawa niyang illegal transactions. Ang example ko po dito ay ang benta po ng station, for example, sa isang araw ay P800,000. P200,000 lang po 'yung dini-deposit niya sa bank and then fina-falsify niya na po 'yung the rest po doon," sabi ng isang complainant.
Napansin din ng mga katrabaho ng akusado na bigla umanong gumanda ang kaniyang pamumuhay, panay ang travel at nakapagpundar ng mga ari-arian, na sa tingin nila ay hindi tugma sa kaniyang sahod.
“Ang salary niya po ay nag-arrange lang po ng above minimum which is mga nasa P21,000 or P22,000 monthly… sa mga posts niya po sa social media talagang magarbo po 'yung mga gamit niya like mga bag, may sasakyan po siya, nakatira po siya sa condo and then may mga farm po siya,” sabi pa ng complainant.
Sinubukan umano nilang ipatawag ang babae sa opisina nila ngunit panay ang palusot nito, hanggang sa tuluyan na siyang hindi pumasok sa trabaho sa gasolinahan.
Doon na nag-umpisang mamroblema ang agency matapos silang singilin ng gasolinahan.
Nagsampa ng patong patong na reklamo ang agency laban sa babae.
Natuklasan din ng agency na dati na rin nadawit sa pagnanakaw umano sa iba pang pinasukang gasolinahan ang akusado.
Nasa kustodiya na ng MPD ang akusado, na tumanggi munang magbigay ng pahayag.
"Sinasabi niya naman na walang katotohanan 'yung mga paratang sa kaniya siyempre everyone naman is presumed innocent unless proven otherwise 'no. So we give her the benefit of the doubt. Bahala siya kung paano niya ipagtatanggol 'yung kaniyang sarili," sabi ni Police Major Atty. Jake Arcilla Chief, Warrant Section ng MPD.
Kasalukuyang nahaharap sa 60 counts ng qualified theft ang akusado, ngunit posible umano itong umakyat hanggang sa mahigit 100. Nasa 300 counts naman ang kaniyang kaso para sa falsification of documents. —Jamil Santos/ VAL GMA News
