Kinagiliwan ang isang Grade 2 student na nakatanggap ng award sa recognition day matapos niyang utusan ang audience na pumalakpak na tila siya ang events coordinator sa San Pascual, Batangas.

Sa video ng YouScooper na si Ellaine Andrea M. Azucena, na iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang 7-anyos na si Sean Ellei Gonzales na sumigaw ng “o palakpak!” sa audience matapos tumanggap ng award ang mga estudyante.

Ayon kay Azucena, "tinang" o tita - ninang ni Sean, co-parent ng kaniyang kapatid ang kumuha ng video at agad itong ipinasa sa kaniya.

Naisipan niya itong i-upload dahil sa nakakatawang ginawa ng pamangkin.

"Honestly po, hindi rin po namin in-expect na sisigaw siya nang ganoon. Even 'yung mommy niya po nagulat at napatawa na lang, tinakpan pa ‘yung bibig ni Sean. 'Yung naka-red na skirt po is the principal, and 'yung adviser niya naman po 'yung nasa dulo na naka-red din pati po sila nagulat at napatawa na lang sa ginawa ni Sean," sabi ni Azucena.

Dagdag pa niya, wala ring pumapalakpak nang mga sandaling iyon kaya naisipan ni Sean na utusan ang audience.

"Tinanong nga po namin siya, sabi niya, 'wala naisipan ko lang,'" kuwento ni Azucena.

Kaya nakatutuwang komento ng isang netizen, "Na para bang siya ang events coordinator." —Jamil Santos/AOL GMA News