Pumanaw nitong Huwebes sa edad na 92 ang beteranong mamamahayag na si Nestor Mata. Si Mata ang nag-iisang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong 1957.

"At 2:07 pm today, veteran journalist Nestor Mata passed away at the age of 92," saad sa Facebook post ng kaniyang anak na si Jan Mata nitong Huwebes.

Nagsimula ang nakatatandang Mata bilang reporter para sa Philippine Herald.

Kinalaunan, naging executive editor siya ng Lifestyle Asia Magazine, at kolumnista ng mga pahayagang Manila Standard, at Malaya.

Noong 1957, kasama si Mata sa eroplano na sinasakyan din ni Magsaysay nang bumagsak ito sa Mt. Manunggal sa Cebu.

READ: Magsaysay plane crash

Nagpahatid na rin ng pakikiramay sa mga naulila ni Mata ang mga namamahala sa Museo ni Ramon Magsaysay.

Ayon kay Jan, ilalagak ang mga labi ng kaniyang ama sa St. Peter Chapels sa Commonwealth Avenue sa Quezon City simula sa Biyernes.

Sinabi naman ng isa pang anak ni Mata na si Mike na ihihimlay ang kaniyang ama sa Himlayang Pilipino sa Quezon City sa Martes. — FRJ, GMA News