Nalagay sa alanganin ang buhay ng isang pulis matapos bumunot ng baril ang isang lalaking kinukuwestiyon dahil sa pagnanakaw umano at itinutok ito sa kaniya sa Ohio, Amerika.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing inaresto ang lalaki matapos umano itong magnakaw sa isang retail chain.
Habang kinukwestiyon ng mga awtoridad ang lalaki, bumunot ito ng baril at itinutok ito sa pulis. Kinalabit niya ang baril pero hindi ito pumutok.
Sinunggaban naman siya ng isang empleyado ng tindahan at nadisarmahan.
Tinuhod naman ng pulis ang suspek at pinagsusuntok hanggang sa mapadapa ito at maposasan.
Batay sa local media, sinampahan ng magkakapatong na reklamo ang suspek, kabilang ang attempted murder. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
