Nakabalot sa kumot, duguan at wala nang buhay nang datnan ng mga awtoridad ang magtiyahin sa tinutuluyan nilang condo unit sa Mandaluyong City nitong Martes ng gabi. Ang suspek sa krimen, ang kinakasama ng babaeng biktima na natuklasang buntis.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga biktima na sina Maria Rosula Paunil, at ang 11-anyos niyang pamangkin na si Jessa Mae Baling.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Benjamin Pardenez, na ka-live in ni Paunil.

Ayon sa security guard na si Ricky Orbina, huling nakitang buhay ang mga biktima noong Lunes na kasama si Pardenez.

Nagpatawag umano ng taxi si Pardenez para pumunta sa Cavite. Pero hindi umano natuloy ang pag-alis ng mga ito at napansin niyang nag-aaway sina Paunil at Pardenez.

Bumalik daw sa condo unit ang tatlo, hanggang sa kinagabihan ay nakitang umalis ang lalaki na hindi kasama ang dalawang biktima.

Sinabi naman ni Police Senior Superintendent Moises Villa Eran Jr., ng Mandaluyong Police, isang kaibigan ni Pardenez ang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad tungkol sa sinapit ng magtiyahin.

Nakonsensiya raw ang lalaki nang ipagtapat ni Pardenez na pinatay nito ang magtiyahin kaya ipinagibgay-alam niya sa mga awtoridad.

Matapos madiskubre ang mga bangkay ng magtiyahin, kaagad na nagsagawa ng operasyon ang mga pulis sa Cavite na pinaniniwalaang pupuntahan ng suspek pero wala ito sa lugar.

Palaisipan pa sa mga pulis kung ano ang motibo sa pagpatay pero hinihinala nila na maaaring selos ang ugat ng krimen.-- FRJ, GMA News