Patay ang hepe ng legal division ng PNP-Calabarzon habang sugatan naman ang kaniyang kinakasama nang tambangan sila at pagbabarilin ng mga salarin sa Antipolo City, Rizal nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes ng gabi, kinilala ang nasawing biktima na si Police Superintendent Ramy Tagnong, na nagtamo ng 10 tama ng bala sa katawan.

Tinamaan naman sa braso pero nakaligtas ang kinakasama niya na si Angela. 

Ayon sa pulisya, sakay ng Toyota Innova ang mga biktima galing sa kanilang bahay sa Angono, Rizal nang tambangan sila sa Barangay Dalig, Antipolo City.

Hindi umano bababa sa tatlong salarin ang nasa likod ng ambush kina Tagnong.

"Nagawa niya pang itumba 'yung upuan. Tapos dinapaan niya si sir Tagnong. Pero noong naramdaman niyang dumarami ang putok, bumaba siya ng sasakyan. Kaya si ma'am Angela ay buhay," sabi ni Police Superintendent Petullio, hepe ng Antipolo police.

Kaagad na tumakas ang salarin sakay ng nakaantabay na sasakyan matapos ang pamamaril.

Isinugod naman sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa isang testigo,  maliit lang umano ang salarin at nakasuot ng sombrero.

Sinabi ng pulisya na binuo na ang Special Investigation Task Group Tagnong, upang lutasin ang krimen,

Kabilang umano sa tutukan sa imbestigasyon ang isinagawang "cleansing program" ni Tagnong sa PNP Region 4-A, o kung may personal na nakaaway ang biktima.

Bilang legal officer ng Calabarzon-PNP, kabilang sa mga hinawakan ni Tagnong ang mga kasong administratibo na kinakaharap ng ilang pulis. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News