Takot na takot pa rin daw ang isang pitong taong gulang na bata matapos siyang dukutin sa harap mismo ng kanilang bahay sa Brgy. 167, Caloocan, bandang alas dos ng hapon nitong Martes.
Sa pahintulot ng kanyang magulang, nakapanayam ni Victoria Tulad ang bata sa ulat ng Balitanghali.
Kuwento niya, isang lalaki raw ang kumatok at nagpakilalang katrabaho ng kanyang tatay.
"Sabi niya, pinapasundo raw ako," saad ng bata.
"Tinakpan nila ang, iyong bibig ko. Tapos nakatulog po ako. Tapos n'on, paggising ko na lang po, nandoon na lang po ako sa van."
Dinala raw ng tatlong lalaking nakamaskara ang bata sa Novaliches proper.
Ibebenta raw siya ng mga ito pati na ang iba pang batang nasa van.
"Sampu po kami doon," saad ng bata. Dagdag pa nito, nakatali raw ang ibang bata sa loob ng van.
"Opo, nakatali po sila. Ako, bago pa lang po ako, 'di pa po nila ako natatali."
Nakakuha raw ang bata ng pagkakataon para makatakas nang huminto ang van bago makarating sa isang checkpoint.
"Sila pong tatlo bumaba eh, nakalimutan po ng isang lalaki po iyong isarado iyong pinto kaya po... lumabas po ako," aniya.
"Nagtago ako sa mga tao tapos nagtago ako sa likod ng mga motor."
Isang tricycle driver daw ang nakakita sa bata na umiiyak kaya tinulungan siya nito at hinatid pauwi.
Kagabi, nakapiling muli ng bata ang kanyang ina na halos mamatay na raw sa pag-aalala.
"Nag-iiyakan na kaming magnanay. Kasi nga 'di ko talaga akalain, ma'am, na ganoon iyong nangyari eh, na biglang nawala. Tapos ilang oras po eh," saad ng ina.
"Sana naman po na maawa po sila na ibalik naman po nila sa magulang kung sino iyong mga batang iyon. Kawawa talaga."
Ang barangay, naaalarma raw sa nangyari lalo't tila sinadyang sinira ang kanilang mga CCTV.
"Ginawa na po na project ng aming punong barangay na maglatag ng CCTV on Llano road. Eh nakailang linggo lang, nakita namin putol-putol eh," ayon kay Gilbert Violante, tanod ng barangay.
Ayon naman sa mga pulis, iniimbestigahan na ang kaso. Pinag-iingat din nila ang publiko. —JST, GMA News
