Si Senador Cynthia Villar ang itinuturing pinakamayamang senador sa bansa, batay sa kanilang 2017 statement of assets, liabilities and net worth na inilabas nitong Huwebes na umaabot sa mahigit P3 bilyon.

Sa kaniyang SALN, umangat ng P5.2 milyon ang ari-arian ni Villar na mula sa P3,606,034,556 noong 2016 ay naging P3,611,260,766 nitong 2017.

Pumangalawa naman sa kaniya si Sen.  Manny Pacquiao na may networth na P2,946,315,029.93. Gayunman, nabawasan ang ari-arian ni Pacquiao ng P126 milyon mula sa P3,072,315,030 noong 2016.

 


 

Maliban kay Pacquiao, nakapagtala rin ng malaking bawas sa kanilang ari-arian sina Senador Sherwin Gatchalian (P3.9 milyon) na dating may P92,141,701.14 networth noong 2016. Umabot naman sa P2.4 milyon ang nalagas sa ari-arian ni Senador Panfilo Lacson, na dating P38,703,615.

Ang may pinakamalaking paglago sa kanilang ari-arian ay sina Sen. Miguel Zubiri na umabot sa P30 milyon, sinundan nina Sen. Ralph Recto, P16 milyon at Minority Leader Franklin Drilon na nadagdagan ng P11 milyon ang networth. — FRJ, GMA News