Nahuli-cam sa Kalibo, Aklan ang ginawang pagdukot ng isang babae sa wallet ng biktimang babae na bumibili sa tindahan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video footage na abalang bumibili ang babaeng biktima sa isang tindahan at nasa likuran niya ang babaeng salarin.

Nang iabot ng biktima ang mga gamit na kaniyang iiwan, doon tumiyempo ang salarin para dukutin ang wallet ng una na nasa loob ng bag.

Ayon sa biktima, nakuha ng salarin ang kaniyang wallet na may laman mga ID at P4,500 cash.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na hindi nag-iisa ang babaeng mandurukot, at kasabwat umano nito ang isang lalaki na nasa kaniyang likuran.

Patuloy na hinahanap ng pulisya ang mga salarin. –FRJ GMA Integrated News