Isang bangkay ng babae na nakabalot sa pulang plastic ang nakita sa gilid ng kalsada sa Gamu, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng 31-anyos na biktima sa gilid ng kalsada sa Gamu-Roxas Road sa Barangay Linglingay noong Sabado ng umaga.
Ayon sa pulisya, isang napadaan sa lugar ang nakakita sa nakabalot na bangkay at nagreport sa awtoridad.
Hindi naman binanggit sa report kung ano ang ikinamatay ng biktima.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagpaalam ang biktima sa kaniyang asawa na may pupuntahan noong Biyernes pero hindi na nakauwi.
Isang special investigation task force naman ang binuo ng pulisya para matututukan ang imbestigasyon.
Mayroon na umanong person of interest ang pulisya sa kaso pero hindi pa nila puwedeng ibigay ang iba pang impormasyon habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima.—FRJ GMA Integrated News
