Ipinahayag ng isang pari nitong Huwebes na hindi sapat ang conditional cash transfer program ng pamahalan kung ito ay walang kaakibat na tulong upang palakasin ang kakayahan ang mga mahihirap na kumita sa sarili nilang pagsisikap.

"Pukawin at palakasin ang ekonomiya at bigyang oportunidad ang mga mahihirap upang kumita," pahayag ni Father Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila at tagapangulo ng Radio Veritas.

Ito and sagot ni Fr. Pascual sa nais ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na alisin ang 4Ps (o Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ng pamahalaan at gamitin na lamang ng pera para sa livelihood program ng mga benepisyaryo.

Ayon kay Pascual, kailangan pa ng karagdagang suporta ng pamahalaan maliban sa 4Ps,  tulad na lamang ng mga economic program upang higit na matutulungan ang "poorest of the poor" sa lipunan.

"Kaya napakahalaga para sa gobyerno is to stir the economy, provide opportunity for the poor to earn a living, at kapag siya ay kumita na, siya na ang bahala sa kanyang edukasyon at siya na ang bahala sa kanyang kalusugan." 

Dagdag ni Fr. Pascual, "Puwede naman i-combine, pero ang problema naman dito, ang tinututukan ng 4Ps ay talagang poorest of the poor, kailanagan talaga gumawa ng extra support from the government, sana samahan ang 4P's ng economic program." 

Batay sa mungkahi ni Piñol nais nitong ilipat ang 70-bilyong pisong pondo ng 4Ps sa mga livelihood programs at ibang proyektong pangkabuhayan na higit na makatutulong sa aabot sa apat na milyong pamilya sa bansa na benepisyaryo ng conditional cash transfer.

Paalala naman ng ilang mga obsipo na bagama't mayroong ibinibigay na tulong ang pamahalaan ay mahalagang matuto pa ring tumayo sa sariling mga paa ang bawat tao at huwag maging tamad at umasa na lamang sa ipinagkakaloob na tulong. —LBG, GMA News