Tatlong suspek sa panggagahasa umano ng isang menor de edad at pangmomolestiya sa isa pa ang naaresto sa Sampaloc, Maynila, nitong nakaraang Biyernes, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Lunes.
Bukod sa tatlo, may dalawa pang suspek na pinaghahanap ang mga awtoridad, ayon kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
"Ito kasing mga ganito, ngayon nagsisisi kayo pero hindi niyo isip 'yung mga ginagawa ninyo dito sa minors, 'yung mga kawalanghiyaan niyo na dapat tigilan," ani Eleazar.
Napaluha na lamang ang tatlo nang iprisinta sila ni Eleazar at sermonan sa harap ng media.
Ayon sa ulat, May 31 nang madaling araw nang yayain umano ng suspek na si Franz Angelo Dizon, 24, ang katorse anyos na biktima na makipag-inuman sa kanila.
Sinundo umano ni Dizon ang katorse anyos at ang kasama nitong kinse anyos na dalagita tsaka dinala sa kanilang bahay sa R. Papa Street.
"Nagkaroon ng konting inuman pero konting tagay pa lang nahilo na sila (biktima), so ibig sabihin may nilagay na pampatulog doon sa kanilang ininom," ani Eleazar.
"Nung magising around 7 a.m. 'tong dalawang minors, pareho na silang minolestiya," dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Eleazar na hindi nagahasa ang isang biktima dahil mayroon itong buwanang dalaw. "The other minor talagang she was gang raped by the five suspects," aniya.
Isang entrapment operation ang isinagawa ng mga pulis kung saan nahuli sina Dizon, Jomari Cortez at isang menor de edad na suspek.
Ayon sa mga pulis, nahulihan pa ng isang sachet na hinihinalang shabu at isang patalim ang mga suspek nang maaresto.
Desidido naman ang mga magulang ng mga biktima na mapanagot ang mga suspek na nahaharap sa reklamong rape at acts of lasciviousness in relation to Republic Act 7610.
Kinilala ang dalawa pang pinaghahanap na suspek na sina Adrian Bravo at Franz Adolp Dizon. —KBK, GMA News
