Patay ang dalawang holdaper sa Maynila sa pakipagbarilan sa mga rumespondeng pulis matapos mang-holdup ang dalawa.

Ayon sa ulat ng Unang Balita ni Vonne Aquino nitong Miyerkoles, nanlaban umano ang dalawang suspek habang nakipaghabulan sa mga rumerespondeng pulis. 

Dead on the spot ang isang suspek at naisugod pa umano sa pagamutan sa Sampaloc ang isa, ngunit namatay din ito.

Pahayag ng biktima ng holdapan, naglalakad siya sa may Barangay Gulod sa Sampaloc kaninang madaling-araw nang biglang may humarang sa kaniyang dalawang lalaking nakamotor.

Tinangay ng dalawa ang kaniyang bag na may laman umanong cellphone at pera.

"Sinundan ko po, tumakbo po ako pababa ng pa-Altura. Mga five minutes, may nagresponde po na pulis. Sabi ko, 'Sir, puwede pong tulungan niyo po ako?'" ayon sa biktimang babae.

Hindi pa nakakalayo ang mga suspek, na agad hinabol ng mga pulis.

Sa gitna ng habulan, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis. Dito na gumanti ang mga awtoridad at nabaril ang dalawa.

Patay kaagad ang isa sa kanila at naisugod pa sa ospital ang isa, na kalauna'y namatay din, ayon kay Police Superintendent Andrew Aguirre, commander ng Manila Police District Station 4. —LBG/KG, GMA News