Inaresto ng mga awtoridad ang isang babaeng suspek sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng gabi matapos itong mahulihan ng 650 grams ng hinihinalang shabu na may halagang P4.4 milyon.
Ang suspek ay nakilalang si Amelita Sabino, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa ikinasang buy-bust operation pasado alas-siyete ng gabi, nakabili ang isang undercover agent ng P800,000 halaga ng shabu mula sa suspek.
Agad sinugod ng mga pulis ang suspek sa isang compound.
Nakuha mula sa suspek ang hinihinalang shabu at marked money.
Ayon sa mga awtoridad, hindi na bago sa kalakalan ng shabu ang suspek.
Big-time umano ang kanyang boss.
"The Regional Drug Enforcement Unit and Manila Police District arrested the courier and drug pusher being utilized by a former ninja cop. So as you can remember PO2 Jolly Aliangan was arrested by NBI last May 26 of 2016 dito sa bahay na ito," ani National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar.
Nasampahan na ng NBI ng kasong kriminal si Aliangan, kasama ang kanyang asawang si Ronalie Aliangan at kamag-anak na si Jeffrey Gutierrez noong 2016 dahil umano sa pagbebenta ng ilegal na droga na nakumpiska ng NCRPO.
Itinanggi naman ni Sabino na siya ay nagbebenta ng ilegal na droga.
"Hindi po ako nagbebenta. Inuutasan mag-deliver. Ngayon lang po malaki," sabi ng suspek.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. —KG, GMA News
