Isiniwalat ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 91 halal na opisyal—na kinabibilangan ng nasa hanggang pitong kongresista— ang nasa "narco-list," o politikong sangkot sa droga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, na isa sa mga kongresista ay mula sa Region III, at mayroon ding isang vice governor sa listahan.

Hihintayin umano ni Aquino si Pangulong Rodrigo Duterte bago niya isapubliko ang pangalan ng mga opisyal.

"Any time that the President wish that this list would be disclosed again, then I'll do it," ani Aquino.

Inaasahan na matatapos umano ang re-validation sa narco-list sa loob ng dalawang linggo.

"Wala silang pakialam kung kakampi ka pa ng administrasyon o hindi. Basta't ikaw na-involved sa illegal drugs alam naman natin ang Presidente," ayon pa kay Aquino.

Nitong nakaraang Abril, inilabas ng PDEA ang listahan ng mga barangay officials na sangkot umano sa droga.

Ayon kay Aquino, sa mahigit 200 barangay officials na nasa listahan 70 sa kanila ang nanalo pa rin sa nakaraang barangay elections.

"Kung hindi na-disclose ang listahan na ito baka most likely nanalo ang 100, 200 na 'yun," giit niya.—  FRJ, GMA News