Nakahandusay, duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang 19-anyos na lalaki na pinagbabaril umano sa isang madilim na eskinita sa Pasay City.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Edwin Guarin.

Ikinuwento ng isang saksi na mag-iigib sana siya pasado 1 a.m. nang marinig niya ang mga putok ng baril sa Tripa De Gallina St., Riverside sa Barangay 132.

"'Pag daan ko po, mag-iigib po ako, may nadaanan ako na muntik kong matapakan. May nakahiga po doon. Nagtatakbo na ako pabalik. Nag-report na po ako sa presinto na may patay po yata doon kasi may narinig kaming dalawang putok," sabi ng babaeng saksi.

Tanging susi at coin purse lang ang nakita kay Guarin nang kapkapan ng mga awtoridad ang kaniyang bangkay.

Ilang sandali pa ang nakalipas, dumating ang isang nagpakilalang kamag-anak ng biktima ngunit tumanggi itong humarap sa camera.

Ayon sa kamag-anak, wala siyang alam na nakakaaway ng biktima, at wala rin itong bisyo.

Nasa punerarya na ang bangkay at patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang krimen. —Jamil Santos/NB, GMA News