Nasawi ang isang 18-anyos na dalaga matapos siyang ma-hit and run ng humaharurot na motorsiklo at tumilapon ng 20 metro ang layo sa San Mateo, Rizal.
Ang motoristang may-ari ng dashcam, tinangka pang habulin ang suspek ngunit nakatakas ito.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras, makikita sa dashcam ng kotseng bumibiyahe sa Daang Bakal, Barangay Malanday noong nakaraang Biyernes ang mabilis na pagpapatakbo ng motor.
Ilang saglit pa, nabundol na ng rider ang dalagang kinilalang si Nicole Lyn de Leon sa kalsada.
Sa kuha naman ng CCTV, nakita rin ang pagtawid ni de Leon na walang kamalay-malay sa paparating na motor hanggang sa masalpok siya nito.
Sa lakas ng pagkakabangga, nakita rin na gumulong ang bumagsak na tapalodo ng motor ng rider.
Nilapitan ng mga nakasaksing residente ang biktima para tulungan, habang nagmagandang loob na hinabol ng mga kotseng may-ari ng dashcam ang supek.
Ngunit humarurot pa ang rider na suspek, na nahagip sa isa pang CCTV, at hindi na naabutan.
"Sabi nga po nila, magpa-SOCO kami, eh awang-awa naman po ako sa pamangkin ko, sa ospital pa lang po, ilang tusok na, ilang operasyon na ang nangyari para lang mabuhay siya," sabi ni Marilyn de Leon, tiyahin ng biktima.
"Itutuloy natin 'yung kaso pagka-libing. Hirap na hirap na po kami. Isang linggo na po kaming nag-aasikaso, kaming dalawa lang ng pinsan ko," dagdag pa ni Marilyn.
Hindi pa matukoy ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek, at ang naiwang tapalodo ng motor ang kanila lamang pinanghahawakan.
Isang linggo nang nakaburol ang mga labi ni Nicole ngunit namomobroblema pa rin ang pamilya dahil sa kawalan ng pera.
"Lumutang po siya. Tapos magpakita po siya sa amin. Kausapin na lang niya kami. Para gumaang 'yung kaso niya. Kung nasaan man siya, sumuko na siya," sabi ni Marilyn.
Hindi rin naplakahan ang motor ng salarin ngunit sinabi ng pulisya na kumakalap na sila ng iba pang CCTV na maaaring magamit sa kanilang imbestigasyon. —Jamil Santos/NB, GMA News
