Patay ang isang drug suspect sa Sta. Rosa, Laguna matapos itong makipagbarilan umano sa mga operatiba.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Biyernes, ang anti-drug operation ay nauwi sa barilan matapos i-abot ng mga suspek ang bayad sa pulis na nagkunwaring buyer. 

Nasawi ang primary suspect na kinilala bilang Donnie Sarsaba na nanlaban umano sa arresting team. Nakatakas ang isa pang suspek na nagmaneho ng motor.

"Buti nalang naka-alerto ang ating mga operatiba dito, at noong pumutok ito ay maswerteng 'di sila tinamaan ang ating operative," Police Superintendent Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa police.

Iilang sachet ng hinalang shabu at calibre .38 revolver at mga bala ang narekober ang mga awtoridad mula sa operasyon.

Arestado naman ang tatlong hinalang user at pusher sa loob ng isang drug den na pinasok ng mga undercover na pulis sa Barangay Halang sa Calamba.

Nahuli daw itong bumabatak ng droga at hawak-hawak ang sachet ng shabu at drug paraphernalia. 

Ang mga suspek, kabilang ang mga menor de edad, ay haharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act.

"Kalimitang mganahuhuli nating mga suspek ay gumagamit ng iligal na droga. Ang lahat ng paraan ay gagawin namin para maubos ang mga kriminal na 'to," sabi ni Senior Superintendent John Kirby Kraft,  provincial director ng Laguna PNP.

May mensahe naman ang regional director ng Calabarzon police na si Police Chief Superintendent Edwin Carranza sa mga sangkot sa droga na hindi pa nahuhuli.

"(You) Better stop it. Magsisisi kayo sa bandang huli na talaga. Ngayon, maaaring happy kayo, hindi kayo nahuhuli, pero later on, makakapa namin kayo." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News