Sugatan ang isang 20-anyos na motorcycle rider matapos siyang tumilapon mula sa Barangka Bridge pababa sa Marcos Highway sa Marikina. Ang rider, lasing umano at may nakagitgitan pa.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nakita ang biktima na nakahandusay sa Marcos Highway sa Barangay Barangka bago mag-12 a.m.
Ayon sa saksing si Nicole Hann Callo na angkas ng isang TNVS driver, nagulat na lang sila nang may mamataan silang motorsiklong nakahambalang sa kanilang harapan.
“Nakahandusay na po rito 'yung motor. Tapos hinahanap po nu’ng Angkas driver ko kung saan 'yung may-ari ng motor. Tapos ‘yun nga po sabi, nandidito raw po sa baba, which is nahulog nga daw po,” sabi ni Callo.
Mababakas sa gilid ng tulay na nagkaroon ng mga gasgas at natanggal na pintura matapos sumalpok ang motorsiklo.
“Bumagsak 'yung rider simula sa itaas ng tulay, pababa. Face down. 'Yung binti niya is bali. Tapos medyo mahina 'yung pulse na ng rider,” sabi ni Jerome Cabacungan, barangay tanod ng Barangka.
Ayon pa sa saksi, nakagitgitan pa umano ng biktimang rider ang isa pang rider bago siya mahulog mula sa tulay.
“Sabi 'yung driver nga raw po niyan, kanina pa raw po nakikipag-banking-an, gitgitan. Lasing nga daw nga po. Tapos ‘yun nga po, tapos nahulog nga po siya dito,” sabi ni Callo.
Agad tinawagan ng saksi ang kaanak ng rider mula sa detalye mula sa lisensya nito.
Emosyonal ang mga kaanak ng rider pagkarating sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa ina, pauwi na ang biktima mula sa isang party pagkagaling sa trabaho.
Lumabas sa imbestigasyon ng Marikina Police na residente ng Barangay Tumana ang rider na nasa ospital ngayon.
Sinabi ng barangay na madalas ang mga aksidente sa Barangka Bridge.
“Kasi po, start po sa Katipunan is pababa. So lahat ng sasakyan is mabilis talaga. Tapos aahon, tapos bababa na naman. Ngayong December siguro, sampu talaga 'yung ano. Nasa ibabaw ng tulay, usually naman, self-accident eh. Ayun, lasing, nakainom, nasasadsad doon sa gutter, hindi na nila natatantiya kasi sa kurbada. Ganun naman usually ang aksidenteng nirerespondehan namin doon,” sabi ni Cabacungan.
Nagdulot ng bahagyang traffic sa lugar ang insidente, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
