Patay ang isang lalaking umano'y tulak ng droga at kabilang sa drug watch list matapos makatunog na pulis ang kaniyang mga katransaksyon at manlaban umano sa Tondo, Maynila.
Sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Eric Villarico, alyas "Mama," na nakipagbarilan sa mga pulis.
Bago nito, nagsagawa ng operasyon ang mga pulis kung saan nabilhan ang suspek ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu.
Ngunit nakatunog ang suspek nang magkaabutan kaya tinangka niyang tumakas sakay ng motorsiklo.
Na-corner si Villarico kaya nagpaputok na umano ito sa mga pulis.
Samantala sa Cubao, Quezon City, arestado ang dalawang lalaki na nahulihan umano ng 12 pakete ng hinihinalang shabu. Ang mga kaanak ng mga suspek, iginiit na tinaniman lang sila ng ebidensya at pinagsasaktan pa.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, kinilala ang mga suspek na sina Ferdinand Gasper at Jose Alfanoso Jr., na naaresto nitong Martes ng gabi.
Nanghihinayang at umiiyak na lamang si Aling Gemma, nanay ni Gasper, nang maaresto ang anak.
"Umiiyak ako kasi gustong magbagong buhay ng anak ko. Alam naman dito 'yan eh. Hindi naman nagbebenta 'yan eh," sabi ni Aling Gemma.
"Nagbigay lang kami ng side namin, okay lang ho hulihin, pero hindi naman po dapat saktan. Wala na ba tayong karapatang-pantao?" giit pa ni Aling Gemma.
Iginiit din ng kapatid ng suspek na wala namang nakuhang droga kay Ferdinand.
"Wala pong problema ikulong niyo 'yung gumagamit, pero 'yung tataniman ho nila ng droga nang hindi sa kanila hindi po tama 'yun. 'Pag wala kaming pera, gano'n na lang?" sabi ng kapatid ng suspek.
Sinabi ng mga pulis na P500 halaga ng shabu ang kanilang nabili kina Gasper at Alfanoso. Madalas daw nilang mga parokyano ang mga jeep at tricycle driver sa lugar.
Dati nang nabilanggo si Gasper dahil sa mga kasong may kinalaman sa pagnanakaw at ilegal na droga.
"May mga kaso siya ng robbery, akyat-bahay previously, so accordingly meron ding napagsilbihan na siya na time in jail with regards to robbery. But 'yung main business niya is into drug pushing," sabi ni Superintendent Giovanni Caliao, Cubao Police Station commander.
Todo-tanggi naman ang mga suspek na sa kanila ang mga nakuhang sachet ng umano'y shabu.
"Hindi po sa aking bato 'yan planted po 'yan, tinanim lang nila sa'kin 'yan," sabi ni Gasper.
"Hindi po magiging alalay 'yan, kakuwentuhan ko lang 'yan du'n, nag-inom kami, wala naman talagang droga," sabi ni Alfanoso.
Ngunit iginiit ng mga pulis na hindi sila nagtanim ng ebidensya at hindi rin nila binugbog ang mga suspek.
"Hindi naman binugbog, talagang arte na nila and the barangay official can attest. During the arrest na pinoposasan pa lang, nagsisisigaw na du'n, nag-i-iskandalo just to gain sympathy," sabi pa ni Caliao.
Haharapin ng mga suspek ang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
