Isang lalaki na walang suot na pang-itaas na damit ang dinampot ng mga awtoridad sa tapat ng kanyang bahay sa Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras nitong Huwebes, kita sa CCTV si Ariel Morco na palabas ng kanyang bahay ng dakong 4 p.m. ng hapon.

Maya't-maya dumaan ang isang convoy ng pulis at hinuli siya sa bisa ng QC ordinance laban sa paglabas ng bahay na walang suot na pang-taas na damit.

Aminado si Morco na alam niyang bawal ang lumabas ng walang pang-itaas, pero masyado naman daw yatang naging mahigpit sa kanya ang mga awtoridad.

"Mahigpit po masyado kasi ang alam ko lang po ang bawal lang nakahubad ay sa kalye naglalakad eh ako dito lang naman sa harap ng bahay namin parang sumilip ka lang? Parang sumilip lang ako, ganu'n," giit ni Morco.

Nag-protesta rin dito ang mga kamag-anak niya na nag-upload ng video sa Facebook.

Kasama si Morco sa ilang mga "tambay" umano na inaresto sa kanilang lugar.

Bilang parusa, pinaglinis sila ng CR ng presinto bago pinkawalan.

Para sa Quezon City Police District (QCPD), malinaw na nilabag ni Morco ang ordinansa ng lungsod.

"Automatic po 'yun 'pagka lumabas po sila ng bahay dapat 'wag na silang lumabas na half-naked para makaiwas na rin po sila du'n sa ordinansang 'yun," ayon kay Police Inspector Gilbert Caducano, ang chief of intelligence ng QCPD Station 5.

Inutos ni President Rodrigo Duterte nitong June 13 na palakasin ng kapulisan ang mga operasyon sa paghuli sa mga "tambay" na malaking perwisyo daw ang dala.

Sa tala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Miyerkules, mahigit 7,000 na ang naarestong tambay sa buong Metro Manila.

Wala pang malinaw na panuntunan ang pulisya para sa utos ni Pangulong Duterte kaya kanilang ipinatutupad ang mga ordinansa ng iba't ibang lungsod.

Paalala ni Presidential spokesperson Harry Roque: "'Yung mga pag-aresto na 'yan, dapat magresulta sa pagsampa ng kaso. Otherwise, dapat i-release. Otherwise, illegal detention naman po 'yung ating kapulisan." —Margaret Claire Layug/JST, GMA News