Mula sa apat, umakyat na sa anim ang mga nasawi sa nangyaring pag-araro ng isang truck ang isang barangay gymnasium sa Davao City noong noong Sabado na may ginaganap na seminar.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, inihayag ng pulisya, na galing sa Bukidnon ang truck na nawalan umano ng preno at pumutok ang gulong kaya bumangga sa gymnasium ng Barangay Marilog Proper.

“’Yung truck na galing ng Bukidnon, nawalan po siya (truck) ng brake, mga 200 meters, pumutok po yong gulong tapos dumiretso po siya sa barangay hall ng Marilog sa may gym kasi curve po yon eh,” ayon kay Marilog Police Station Commander, Police Major Raymundo Bacera Jr.

Sa lakas ng pagbangga, nasira ang bahagi ng gymnasium, isang waiting shed, at ilang nakaparadang motorsiklo.

Kabilang sa mga nasawi ang isang barangay tanod na dumadalo sa seminar, ang kaniyang asawa, at ang driver ng truck kasama ang dalawa nitong kasama. Anim pa ang nasugatan, kabilang ang isang lalaki na nasa loob ng gym nang mangyari ang insidente. Dinala siya sa ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Sinabi ng mga awtoridad na maaaring maharap sa kaso ang operator ng truck.

“Pina-process po namin yong investigation kung ano ang nararapat na kaso na ibibigay natin sa operator po, yun din ang (pananagutan) niya, kasi marami din kasing damage eh, 18 motor at property damage pa ng barangay yon po ang sasagutin niya,” ayon kay Bacera.—FRJ GMA