Sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV na dapat manguna ang Office of the President, at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang unahing isalang sa drug test para maging halimbawa sa pagsasagawa ng drug test sa hanay ng gobyerno.
“Ang sa akin, ang panawagan ko dapat Office of the President ang una, dapat si Duterte mismo para malaman ng taumbayan kung ‘yung mismong namumuno ng war on drugs ay hindi impluwensiyado ng ilegal na droga,” sabi ni Trillanes nang makapanayam ng mga mamamahayag matapos sumailalim sa drug test na isinagawa sa Senado nitong Lunes.
Idinagdag ng senador na dapat boluntaryong magpa-drug test ang miyembro ng First Family at sundan ang kanilang ama.
“Dapat magkusa sila kasi maraming pinapatay ‘yung tatay nila, itong si Duterte, kaya dapat beyond reproach ang first family,” aniya.
Ayon kay Trillanes, boluntaryo siyang sumailalim sa drug test para ipakita sa publiko na hindi siya gumagamit ng droga.
“It’s in the interest ng ating mga kababayan na malaman na ‘yung mga public servants nila ay hindi durugista, hindi under the influence ng illegal drugs,” paliwanag niya.
Bukod kay Trillanes, sumailalim din sa drug test sina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sens. Gregorio Honasan II, Paolo Benigno Aquino IV, at si Loren Legarda.
Sinabi ni Zubiri na magandang halimbawa ang ginawa ng Senado na sumailalim sa drug test na dapat umanong gawin ng ibang ahensiya.
“Magandang ehemplo ito para sa ating iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, sana gawin po nila ito. Kami sa Senado ay nangunguna at of course ang mga senador. Maganda ito para makatulong tayo sa programa ng gobyerno in the fight against illegal drugs,” sabi ng senador.
Ilang kawani rin ng Senado na "randomly picked" ang isinailalim sa drug test. -- FRJ, GMA News
