"Hindi pa ba tayo nadala?"

Ito ang reaksyon ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapapaigsi sa limang minuto ang biyahe sa Edsa mula sa Cubao hanggang sa Makati pagsapit ng Disyembre.

Bukod dito, ipinangako rin ng pangulo na maaalis na rin ang pagkakaantala ng mga biyahe sa eroplano.

READ: Duterte promises travel time from Cubao to Makati will be 5 minutes by December

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Trillanes na dapat matuto na ang mga tao sa mga pangakong hindi natutupad ni Duterte tulad sa sinabi nitong susugpuin ang droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan nang maupong pangulo.

“Kung budol budol, ilang beses na tayong nabudol-budol, hindi pa rin tayo natuto,” anang senador na kritiko ni Duterte.

Ipinaalala rin ni Trillanes ang alegasyon noon ni Duterte na mayroong bank account ang senador sa Singapore. Kinalaunan, sinabi ng pangulo na sinadya niyang gawing mali ang account number para lokohan umano si Trillanes, na nagtungo sa Singapore para patunayan na wala ang sinasabing bank account.

“Inamin na niya, nabisto na siya. Ano ba ‘yun wala pa tayong singilan dito. ‘Yung Presidente nagsisinungaling. Tapos ngayon papangakuan tayo ng five minutes pagtapos nung iibahin na naman ang usapan," sabi ni Trillanes.

"Itong si Juan dela Cruz, madadaan na naman sa kuwento. Mumurahin na naman niya ang simbahan at Diyos, distracted na naman tayo,” dagdag niya.

Tinawag ni Trillanes na "pathological liar" si Duterte na nagkakalat umano ng kasinungalingan.

“Si Duterte is a pathological liar, hindi n’ya mapipigilan ang sarili nya, ganun eh. Nasanay siya nung nasa Davao siya napapaikot n’ya mga tao dun,” anang senador.— FRJ, GMA News