Arestado ang dalawang college student sa ikinasang drug buy-bust operation sa labas ng isang restaurant sa Barangay Sta. Teresita, Quezon City alas onse kagabi.

 

 

Kush o high grade marijuana na may halagang P1,500 ang binili ng operatiba ng Cubao Police Station Drug Enforfement Unit sa mga target na sina Aldean Regancia at Francis Louie Miguel.

Nang magkaabutan na ay agad na inaresto ang dalawa.

Nakuha sa kanila ang walong plastic na naglalaman ng umano’y kush na may street value na P13,600.

May narekober ding digital weighing scale at glass pipe na may traces ng marijuana.

Ayon kay Superintendent Giovanni Caliao, hepe ng Cubao Police Station, online nakipagtransaksyon ang operatiba.

Posible aniya na mga estudyante ang parokyano ng mga suspek.

“Ang nakikita natin talaga dito yung market nila ay more on sa mga estudyante rin and since through online alam naman natin na very common sa mga estudyante yung pakikipag-transact online,” ani Superintendent Caliao.

Itinanggi ng mga suspek na nagbebenta sila ng illegal na droga.

Umamin si Regancia na gumagamit siya ng marijuana para maiwasan ang insomia habang si Miguel ay para naman sa kanyang anxiety disorder at lack of appetite.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — BAP, GMA News