Maliban sa bilang ng mga turista, plano rin ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na limitahan ang aktibidad sa beach o baybay ng Boracay tulad ng mga party, kasal, at maging ang pagmamasahe.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes,  sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu, isa sa nakakadumi sa sikat na island beach ang nagaganap na party sa lugar.

"Puwede nga mag-party sa loob ng hotel or sa establishments, huwag doon sa beach. They can have their ano doon, wedding ceremony, birthday ceremony o ano doon sa loob ng hotel," anang kalihim.

Pero paglilinaw ni Cimatu, pag-uusapan pa bago gawing polisiya ang naturang plano. Kasama rin sa tatalakayin ang mga panukala na ipagbawal ang pagpapamasahe sa beach, pagtatayo ng sand castle at performance ng fire dancers na nakasisira rin umano sa beach.

Nakatakdang buksan ang Boracay sa Oktubre 15 bilang "dry run" at limitado pa ang papayagang dami ng turista.

Gagawin umano ito para malaman nila ang mga dapat pa nilang gawin para sa opisyal na pagbubukas ng isla sa Oktubre 26.

Pinaalalahanan naman ng kalihim ang publiko na bago mag-book sa hotel ay tiyakin na may clearance na itong mag-operate mula sa gobyerno.

"We will test 1,000 rooms, then the following day we will again test 1,000, so that ma-test natin lahat 'yung kanilang, 'yung mga compliant makikita natin 'yung kanilang performance," ayon sa kalihim.

Sa isang pahayag ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF), sinabi na prayoridad ang mga taga-Aklan sa mga turistang papayagan na makapasok sa Boracay.

"This will be open to local tourists, with Aklanons as priority, and allow us to assess what else needs to be done before the island is reopened to all tourists—both domestic and foreign—on October 26," saad sa pahayag.-- FRJ, GMA News