Inaresto ng mga awtoridad sa Maynila ang isang seaman matapos na ireklamo ng kaniyang dating nobya. Nagbanta raw ang suspek na ikakalat ang kanilang sex video kung hindi raw papayag na makipagtalik sa kaniya ang biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikitang ilang beses na hinampas ng bag ng biktima ang suspek na si Bryan Canama nang magkaharap ang dalawa.

Nadakip si Canama sa entrapment operation na inilatag ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation sa harap ng isang condominium building sa Malate, Maynila

Ayon sa biktimang taga-Cebu, apat na buwan niyang naging karelasyon ang suspek pero nakipaghiwalay siya matapos masakal sa pagiging seloso nito.

Pero kasunod ng hiwalayan, ipinadala ng suspek ang kanilang sex video sa mga kaibigan, katrabaho at maging sa anak ng single mom na biktima.

Sa kabila ng ginawa umano ng suspek, nagbanta pa rin ito na ikakalat ang iba pa nilang sex video kapag hindi nagpunta sa Maynila para makipagtalik sa kaniya bago siya bumiyahe pa-Amerika.

Inamin naman ng suspek ang kasalanan na nagawa lang daw niya dahil sa labis na pagmamahal sa biktima.

Payo naman sa publiko ni Senior Agent Francis Señora ng NBI, "Yung mga intimate moments, huwag na po natin ibi-video dahil posibleng magamit po iyan laban sa inyo."

Samantala, naaresto naman ng NBI sa hiwalay na operasyon si Jackson Kiong dahil sa pagbabanta rin sa mga nabibiktima na ia-upload ang kanilang sensitibong mga larawan kung hindi siya bibigyan ng sasakyan.

Gamit ang poser accounts, nakikipagkaibigan daw ang suspek sa kaniyang mga naging biktima sa Facebook at mga dating sites.

Minumura at binabastos din daw ng suspek ang lahat ng kaanak ng biktima sa Facebook. Umo-order din umano ito ng mga pagkain sa fastfood at produkto via online na libo-libong pisong halaga at saka ipapa-deliver sa biktima at mga kaanak nito para sila ang mamroblema sa pagbabayad.

Ikinalat din ng suspek ang number at mukha ng nobya sa isang website para palabasing naghahanap ang biktima ng makakatalik.

Humingi naman paumanhin ang suspek at gustong makipag-ayos sa kaniyang biktima.

Mahaharap sa patung-patong na reklamo ang suspek tulad ng carnapping, violence against women and children, cybercrime prevention act at extortion.-- FRJ, GMA News