Iimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang hindi umano pagpapasok ng isang paaralan sa Quezon City sa mga estudyante na na-'late' sa pagpasok.



Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na walang patakaran na pagbawalan ang mga na-"late" na estudyante na hindi papasukin sa paaralan.

Nag-ugat ito matapos mapaulat na may mga mag-aaral sa isang paaralan sa Veterans Village na hindi umano pinayagang makapasok pa dahil sa pagiging "late."

Ayon kay Briones, natanggap na ng kagawaran ang reklamo tungkol sa naturang insidente at magpapalabas sila ng opisyal na pahayag kapag natapos na ang imbestigasyon.—FRJ, GMA News