Dahil umano sa kalasingan, isang bantay ng tindahan sa Quezon City ang napahimbing ng tulog at nanakawan tuloy ng pera na aabot sa P11,000 at mga gadgets.
Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario nitong Miyerkules sa "24 Oras," nakatulog daw dahil sa kalasingan ang biktimang si Daniel Cabuag sa binabantayang tindahan sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Pero bago mangyari ang nakawan, makikita sa kuha ng CCTV ang isang lalaki na nagkunwaring customer at kunwaring magtatanong kahit sarado na ang tindahan.
Nang matiyak ng suspek na wala nang tao, pinasok nito ang tindahan. Ilang sandali pa, lumabas din ang lalaki na tangay na ang wallet ng biktima na may pera, at ilang gamit kasama ang cellphone.
Hindi nakilala ng mga opisyal ng barangay ang suspek at posibleng dayo lamang daw sa kanilang lugar.
Naghahanap ang mga awtoridad ng mga saksi na puwedeng magturo sa suspek. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
