Patay ang isang 42-anyos na negosyante matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang resto bar sa San Jacinto, Pangasinan. Ang biktima, napag-alaman na pinagbabaril na rin noong 2025 pero nakaligtas.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Casibong noong Linggo ng gabi.

Dinala pa ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

Samantala, nadakip naman sa hot pursuit operation ang dalawang suspek pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Ayon kay Police Major Napoleon Velasco Jr., hepe ng San Jacito Police Station, may nakuha silang saksi na nautusan ng mga suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na isa sa mga suspek ang sangkot din sa ginawang pamamaril sa biktima noong Agosto 2025 pero nabuhay ang biktima noon.

Hinihinala ng mga awtoridad na negosyo ang isa sa mga posibleng dahilan sa likod ng krimen.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News