Inaresto ng mga awtoridad ang apat na tao kabilang ang isang senior citizen matapos ang isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.
Nakabili ng ilegal na droga ang isang pulis na tumayong buyer mula kay Jason Ramores, ayon sa ulat sa Balitanghali nitong Linggo ni Cesar Apolinario.
Kaagad inaresto si Ramores pati na ang kanyang live-in partner na si Senilyn Martillan.
Narekober mula sa mga suspek ang mga plastic na sachet na may lamang hinihinalang shabu na ayon sa pulisya ay pambenta.
Dalawang lalaking katransaksiyon nila ay inaresto rin ng mga awtoridad.
Kinilala sila bilang sina Rafael Danan at Nilo Garcia na isang senior citizen.
Nakuha kina Danan at Garcia ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Umamin sina Danan at Garcia na gumagamit sila ng ilegal na droga.
Ayon naman kay Ramores at Martillan, hindi sila tulak ng ilegal na droga. —KG, GMA News
