Tanghaling tapat nang madinig ang kalabog ng mga bato at boteng bumabagsak sa mga bubungan, at sinamahan pa pagbusina ng mga sasakyang naipit sa rambol ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Caloocan City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nangyari ang rambol at pag-ulan ng mga bote at bato sa Samaria Village sa Tala, Caloocan.
Madidinig sa amateur video ang pagkalabog sa mga bubungan ng bahay sa mga ipinupukol at nagbabagsakang bato at bote mula sa magkabilang kampo.
May isa pang menor de edad na itinututok sa kalabang grupo ang tila sumpak.
Wala rin tigil ang pagbusina ng mga sasakyan na naipit sa kaguluhan na tumagal ng may limang minuto.
Ang mga residente sa lugar, buwisit na sa ginagawang rambol ng mga kabataan.
"Magulo, perwisyo sa buhay. Natutulog ka na, may takbuhan, tahulan ng aso," anang isang residente.
Nag-ugat umano ang gulo nang lusubin umano ng isang grupo ng mga kabataan ang kaaway nilang pangkat na nakikipaglibing noon sa katropa nilang napatay din kamakailan sa isa pang insidente ng rambol.
"Noong nagbabatuhan na, takbo 'yung taga-rito dahil konti lang sila. 'Yung naglibing ang dami-dami, doon na 'yung mga bote sa bubungan namin mga bote," ayon sa residenteng Alicia Magbanua.
Ayon sa opisyal ng Barangay 187 na si Bernie Mariano, executive officer, hinuhuli naman nila ang mga nagrarambol na mga kabataan pero napapakawalan din dahil sa mga menor de edad.
Kaya sana raw ay madagdagan ang pangil ng batas pagdating sa mga pasaway na mga kabataan.
"Ang gusto sana nga namin 'yung magulang na ang kasuhan para madala. Para magtanda na rin sila, hindi na rin nila kaya eh, kaya nahihirapan na rin kami. Hindi na namin alam kung ano ang mabuting gawin kasi kung masasaktan mo, baka ikaw pa makukulong," sabi ni Mariano. -- FRJ, GMA News
