Patay matapos barilin sa ulo ang isang lalaki na galing sa isang botika para bumili ng gamot sa Davao City kaninang tanghali.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Bago Aplaya, Davao City.
Ayon sa awtoridad, tinatayang nasa edad 30 hanggang 45 ang biktima na residente sa Tagum City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patawid na sana ang biktima matapos bumili ng gamot nang dumating ang salarin na sakay sa motorsiklo at binaril siya sa ulo.
Kaagad na nasawi ang biktima, habang nakatakas ang salarin.
Patuloy pa ang imbestigasyon para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.—FRJ GMA Integrated News
