Patay ang dalawa umanong tulak ng shabu sa operasyon kontra droga ng mga pulis sa sementeryo ng Pasay City noong Martes ng gabi.

Pahayag ng mga pulis-Pasay sa "Unang Balita" nagkasa sila ng operasyon sa sementeryo matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen sa bentahan ng droga doon.

Nang puntahan ng police team ang lugar, pinaputukan agad ng isang suspek ang mga awtoridad.

Dead on the spot ang dalawang suspek nang gumanti ng putok ang mga pulis. Tinamaan din ang isang pulis na kinilalang si P02 Jay-R Orada, at mabuti na lamang umano nakasuot ito ng vest.

Mga taxi driver umano ang kadalasang parokyano ng mga suspek, at ipinapalusot lamang sa butas ng pader ng sementeryo ang droga.

Nakuha sa crime scene ang mga sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .45 baril, isang kalibre .22 pistol.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga napatay na suspek. —LBG, GMA News