Isinugod sa ospital ang isang 43-anyos na driver ng e-trike sa Maynila matapos siyang mabagsakan sa ulo ng tipak ng kongkreto na mula sa isang lumang gusali.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Miguel Gonzales na napadaan lang sa tapat ng lumang gusali sa Avenida at Recto Avenue nang mabagsakan siya ng tipak ng kongkreto dakong 1 p.m.

“Malakas po [ang tunog]... Kala ko nga banggaan, tapos pagtingin namin bumagsak po pala ang ano ng building,” ayon sa saksing si Analiza Enverga.

Dinala si Gonzales sa Jose Reyes Memorial Medical Center, at mayroon na umanong malay, ayon sa chairman ng Barangay 313 na si Eddie Jasmin.

“Kausap ko na po ang nanay, si Susan… Conscious naman po ang anak niya. ‘Yun lang maraming gagawin sa kaniya kaya siguro tutulungan na rin po natin sa barangay,” dagdag ni Jasmin.

Samantala, pansamantalng ipinasara ng City Engineering Office ang bahagi ng lugar bilang pag-iingat upang hindi na maulit ang insidente.

Ayon sa mga awtoridd, anim na taon nang walang umuukupa sa nasabing gusali.

“For investigation lang daw po… After niyan, gagawan na nila ng safety remedy muna,” sabi ni Jasmin. —Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News