Hindi pa rin maiwasan ni Ashley Ortega na maging emosyonal nang muling mapag-usapan ang relasyon nila ng kaniyang ina na may tampo sa kaniya matapos siyang umalis noon sa kanilang bahay nang hindi nagpapaalam.

Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinakita sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ni Ashley na hindi madali para sa kaniya na hindi makausap ang kaniyang ina ng tatlong taon.

"I left without saying anything, I left without saying goodbye," pag-amin ni Ashley, na bibida sa upcoming Kapuso series na “Apoy sa Dugo,” kasama si Elle Villanueva.

"Hindi ko rin naman talagang intention lang na iiwan lang si mom, I just needed space for myself to grow. Sometimes kasi, 'pag nagiging toxic na 'yung environment, naapektuhan na talaga ikaw mentally, and that's what happened to me," sabi pa ng aktres.

Ayon kay Ashley, ang makipag-ugnayan sa kaniyang ina ang una niyang ginawa nang makalabas siya sa bahay ni Kuya nang makasama siya sa dating season ng Pinoy Big Brother.

Matatandaan na nakatanggap si Ashley ng sulat mula sa kaniyang ina habang nasa loob siya ng bahay ni Kuya.

"Talagang nag-reach out ako but again, hindi rin talaga madali 'yung sa nangyari sa kanya so I have to step back muna para lang hindi ma-trigger ulit," paliwanag niya.

"Of course, she's still my mom. And it's hard na, you know, not having a relationship na fully okay pa with someone you love," dagdag pa niya.

Naniniwala si Ashley na nasa proseso pa marahil ang kaniyang ina tanggapin na kaya na niyang mag-isa.

Kasabay ng paghingi niya ng tawad sa kaniyang ginawa, ipinagdarasal umano ng aktres na maghilom na ang sugat sa puso ng kaniyang ina dahil sa kaniyang nagawa.

At ang aral na kaniyang natutunan sa pangyayari, "No matter what will happen, isa lang 'yung nanay ko and that will always be my mom." —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News