Nalansag ng mga awtoridad ang isa umanong malaking shabu laboratory at nasabat ang nasa P6.6 bilyon na halaga ng ilegal na droga at mga kemikal sa isang bodega sa Valenzuela City, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Miyerkoles.
Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng PDEA na nagsagawa ang kanilang mga tauhan, kasama ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP), ng isang buy-bust operation sa isang industrial park sa Barangay Veinte Reales nitong February 22.
Naaresto rito ang isang 30-anyos na suspek na nagbenta umano sa undercover operatives ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.
Dinala ng naturang operasyon ang mga awtoridad sa kalapit na bodega na dati na ring sinusubaybayan.
Sa pagkalugad sa pasilidad, nakita ang nasa 906.41 kilogram ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.16 bilyon, at 64.15 liters ng liquid methamphetamine estimated na aabot sa P436.22 milyon ang halaga, ayon sa PDEA.
Nakumpiska rin sa bodega ang iba’t ibang kasangkapan at kemikal na ginagamit umano sa paggawa ng ilegal na droga.
“This is one of the most significant drug laboratory discoveries in recent years. The volume of shabu seized represents nearly one metric ton that would have otherwise flooded communities across Metro Manila and beyond,” ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

