Patay ang isang 2-anyos na bata sa Barangay Poblacion, Talisay City sa Cebu matapos malunod sa balon.

Sa ulat sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, iigib daw sana sa balon ang isang kapitbahay nang matagpuan ang palutang-lutang na katawan ng bata pasado alas dose ng tanghali noong Martes.

Ayon kay Karen Villeta, ina ng biktima, inihabilin niya ang paslit na si Raven sa nakatatanda nitong kapatid.

Nalibang daw sa paglalaro ng volleyball ang nakatatandang kapatid kaya't hindi napansing pumunta na pala sa balon malapit sa kanilang bahay ang biktima.

Hindi rin daw ito napansin agad ng kanilang mga kapitbahay.

Idineklara nang patay ang bata nang dalhin sa ospital.

Humihiling naman ng tulong-pinansyal sa lokal na pamahalaan ang pamilya ng biktima para sa kanyang burol at libing.—Dona Magsino/ LDF, GMA News