Ikinuwento ng babaeng biktima na nanlaban sa suspek na taxi driver gamit ang toothbrush, na pumasok sa isip niya na hahalayin din siya ng suspek dahil inutusan siya nitong dumapa matapos siyang pagpapaluin ng tubo.

Sa panayam ni Victoria Tulad sa biktima na nakaratay pa sa ospital, ikinuwento nito ang nangyaring insidente habang sakay siya ng taxi ng suspek na si Zaldy Macatiag sa Quezon City nitong Lunes ng hatinggabi.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing namamaga pa ang mukha at puro pasa ang mga mata ng 28- anyos na biktima, na hindi binanggit ang pangalan.

Dahil sa pamamalo sa kaniya ng tubo na bakal, nagtamo rin ng mga sugat sa mukha ang biktima na kailangang tahiin.

Kuwento niya, pauwi na siya nang parahin niya ang taxi na minamaneho ni Macatiag. Pero sa halip na ihatid siya sa bahay, ilang beses daw silang nagpaikot-ikot kaya sinabi niya sa suspek na bababa na lang siya.

Pero kumuha umano ng tubo si Macatiag at ilang beses siyang hinampas sa kabila ng kaniyang pagmamakaawa.

"Sabi niya sa akin, 'dumapa ka.' Doon na 'ko natakot kasi alam ko rape na kasunod," saad niya.

Nang mapahawak siya sa kaniyang bag, nakapa umano ng biktma ang toothbrush, itinusok niya ito sa mata si Macatiag.

Nang lumabas ng taxi ang suspek dahil sa nangyari sa mata niya, nagawa raw ng biktima na makatakbo pero hinabol pa rin siya ni Macatiag.

Nakapagtago pa ang biktima sa ilalim nang nakaparadang sasakyan bago siya nilubayan umano ng suspek. Tuluyan naman siyang nakaligtas nang may dumaang tricycle driver na nagdala sa kaniya sa ospital.

Matapos ang ilang oras, naaresto ng mga pulis ang suspek na nagpapagamot sa ibang ospital.

"Nung may reported na merong injured na taxi driver pinapuntahan natin. Then nung ma-picturan natin, pina-identify natin doon sa victim, inidentify niya na yun nga yung taxi driver," sabi ni Police Superintendent Rossel Cejas, hepe ng QCPD-Station 4.

Sinubukan pa raw magpalusot ng suspek pero nakuha sa taxi niya ang mga gamit ng biktima.

Sumailalim na sa inquest proceedings ang suspek na mahaharap sa mga kasong robbery at frustrated murder.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag suspek.-- FRJ, GMA News